Tuesday, December 30, 2008

Wenn Deramas not disappointed by 2nd Best Picture award from MMFF

Pinuntahan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Direk Wenn Deramas sa taping kahapon (December 29) ng Dyosa sa Semicon Compound sa may Marcos Highway, Marikina City.



Nahirang na 2nd Best Picture sa 34th Metro Manila Film Festival (MMFF) ang Ai-Ai delas Alas-starrer na Ang Tanging Ina Ninyong Lahat. Ano ang reaction ni Direk Wenn sa nakamit na parangal ng pelikulang ginawa niya for Star Cinema?



"Nang pumunta kami roon ni Tess Fuentes [Star Cinema managing director], wala naman kaming ini-expect. Ang alam lang kasi namin noong una, kapag top-grosser ka, best picture ka. Pero siyempre entitled naman ang Metro Manila Film Festival kung ano yung pagbabagong gagawin nila, so, ayun," pahayag ni Direk Wenn.



Hindi ba siya na-disappoint na top-grosser ang movie nila pero second best picture lang ang nakuha nilang tropeyo?



"Hindi. Diyos ko, hindi! At saka ibigay natin sa Baler iyon, effort na mahirap iyong pelikula. Ako naman, compared naman sa ginawa ko, alam naman natin iyon, di ba? Ang intention namin ay isang masayang pelikulang sequel na kikita, at nangyari. Okey na iyon. Happy na ako roon," sabi pa ni Direk Wenn.



"I am sure kung mag-uusap ang Viva at ang Star Cinema kung ano ang mas gusto nila, siyempre mas gusto nila ang pera, I mean, kumita ang pelikula. At ang kinita ng Ang Tanging Ina Ninyong Lahat ngayon ay phenomenal at hindi pa naabot ng kahit anong local film.



"Ang opening day gross nito ay P22 million. Noong una ang sabi ay P20.9 M. Pero taga-Star Cinema mismo ang nagsabi sa akin at walang padding, naka-P22 M kami noong first day. P19 million-plus ng second day, P17 million-plus ng third day. Hindi ko na alam sa fourth day. Kasi tumigil na ako sa pagtatanong. Basta sa loob ng tatlong araw ay nabawi namin ang aming capital. Na-surpass na rin nito ang gross ng Ang Tanging Ina. Kaya ngayon ay sobrang masaya kami," wika pa ni Direk Wenn.



RESPECTING THE LINEUP. Si Anne Curtis, ang nagwaging best actress sa festival, ang lead star ng Dyosa, at bida sa Baler. Ano naman ang masasabi ni Direk Wenn sa panalo ni Anne bilang best actress?



"Hindi ko pa kasi napapanood ang Baler. Shake, Rattle and Roll X pa lang ang napanood ko. Pero papanoorin ko. Pero siguro naman hindi naman iri-risk ng ibang tao na mga hurado na hindi maging tama ang kanilang mga choices. Sa tingin ko, nandoon ako noong filmfest awards night, maganda yung naging lineup ng winners. Very interesting ang mga nanalo.



"Ako kasi, basta't ganyan, usapan, ke pangit o hindi ang lineup ng mga choices nila, we have to respect their decision kasi kanila iyon. E, di kung gusto mo ng ibang panalo, e, di gumawa ka ng sarili mong award-giving body. Ganoon ang pananaw ko. Actually, um-attend ako roon without expecting anything kundi sumuporta, kasi yung ibinigay naman ng Metro Manila Film Festival sa Ang Tanging Ina Ninyong Lahat ay sobra-sobra rin. Baka hindi ganito kalaki ang kinita ng movie kung hindi kami sa festival ipinalabas," sabi pa ni Direk Wenn. "Dumalo ako sa awards night without expecting anything, Naroon ako para sumuporta."



PLANNING PART 3. Ngayong maganda ang resulta ng Ang Tanging Ina Ninyong Lahat, may posibilidad ba na magkaroon pa uli ito ng sequel? Although puwedeng masabi na ultimate na ito dahil naging presidente na si Ina. May part 3 kaya?



"All of a sudden, biglang nagkaroon. Tanong nga nila, hanggang dalawa lang ba? Lagi ko naman sinasabi, kahit sa presscon, pakitain muna nila ang pelikula. Kaya mayroon na kaming niluluto. Baka Ang Tanging Ina Ninyong Lahat sa Amerika. May naisip kaming nakakatawa agad, concept pa lang. Ang maganda kasi naging ordinaryong tao na si Ina after niya maging presidente," wika pa ni Direk Wenn.



Hindi pa alam ni Direk Wenn kung ano ang next project niya although nagpatawag na ng meeting with him ang Star Cinema at Viva Films. Tatapusin lang niya ang Dyosa. Magpapahinga lang siya ng ten days pagkatapos ay ang project naman sa OctoArts Films ang gagawin niya.



THE GAME KNB? ISSUE. Tinanong din ng PEP kay Direk Wenn ang issue ng diumano'y sadyang pagpapapanalo raw sa kanya ni Edu Manzano ng P1 M sa Game KNB?, ayon sa naisulat sa isang column.



"Nagulat nga ako. Bakit naman ako ipapapanalo ni Edu ,e, kahit naman noong si Kris pa ang host ng Game KNB? ay nagkaroon na rin naman ako ng chance na manalo? Nagulat lang talaga ako kasi naka-headline ang pangalan ko. Tumawag naman ako kay Edu at kay Ms. Cory Vidanes [ABS-CBN Head for TV Production] at ang sabi nila ay huwag ko na lamang pansinin ang issue," pagwawakas na pahayag ng director ng Ang Tanging Ina Ninyong Lahat.

0 Comments: